House of Worship

House of Worship
Gusaling Sambahan ng IGLESIA NI CRISTO

Huwebes, Disyembre 8, 2011

ANG MALAKING KINALAMAN NG KAHALALAN SA KALIGTASAN

Ni Mathusalem V. Pareja


KAHALALAN O KARAPATAN sa pagsasagawa ng tunay na paglilingkod sa Diyos at sa pagtatamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom. Sa ganang mga nagtamo nito,  ito ay totoong napakahalaga kung kaya hindi sila papayag na ito ay mapinsala at mawala pa sa kanila. Lubos nilang sinasampalatayanan ang ipinahayag ng Panginoong Jesucristo na:
"... ang manatiling tapat hanggang wakas ay siyang maliligtas" (Mat. 24:13, Magandang Balita Biblia).
Maaaring sabihin ng iba na sila man ay naglilingkod din sa Panginoon, kaya kinikilala Niya sila, at may karapatan din sa pagtatamo ng kaligtasan. Subalit, ano ba ang pagtuturo ng Biblia kapag ang pinag-uusapan ay paglilingkod sa Diyos? Kahit sino na lamang bang nag-aangkin ng karapatan sa paglilingkod ay kinikilala ng Panginong Diyos na Kaniya at magtatamo ng kaligtasan? Ang sagot ng mga apostol:
"Datapwat kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan. Dati-rati, kayo'y hindi bayan ng Diyos, ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y sumasainyo ang kanyang awa" (I Ped. 2:9-10, Ibid.).
Sana ay napansin ninyo ang sinabi ni Apostol Pedro na "kayo ay isang lahing hinirang." Samakatuwid, ang mga kausap niya rito ay mga taong may kahalalan o mga hinirang ng Diyos sapagkat sila ay tinawag at pinili Niya.

Ano ang kapalarang natamo ng mga binigyan ng kahalalan? Ayon sa Biblia, sila ay nasa kaliwanagan na, kinikilala na silang bayang hinirang ng Diyos na nagtamo ng Kaniyang habag. Dati ay wala sa kanila ang mga biyayang ito dahil wala pa silang kahalalan. At ang lalong malaking kapalaran na tatamuhin ng mga taong may kahalalan ay maluwag silang papapasukin sa kaharian ng Panginoong Jesus (II Ped. 1:10-11, Ibid.). Ang katumbas nito ay nakatitiyak sila sa pagtatamo ng kaligtasan.

Kung gayon, hindi totoo na basta ang tao ay maniwala, sumampalataya, at kumilala lamang sa Panginoong Diyos at sa Panginoong Jesus ay sapat na upang siya ay maging tunay na sa Kanila. Kailangan muna siyang hirangin, tawagin, at bigyan ng kahalalan para siya ay makapaglingkod sa Diyos. Paano ba pinatunayan ng mga apostol ang kanilang kahalalan? Ang sabi ni Apostol Pedro sa kanyang sulat ay mayroon silang panatag na salita ng hula (II Ped. 1:19). Ang hula ay paunang pahayag ng Diyos sa Kaniyang magiging gawain. Kaya ang mga apostol at ang mga unang Cristiano ay di basta nag-angkin lamang na sila ay sa Diyos at sa Panginoong Jesucristo kundi ang Diyos mismo ang nagbigay ng patotoo na sila ay Kaniyang pinili, tinawag, at hinirang.

Hindi kaya sa panahong ito ay binago na ng Diyos ang paraang ito ng pagbibigay sa tao ng karapatan sa paglilingkod? Hindi. Namamalagi ang pinagsasaligan ng Diyos sa pagkilala Niya ng mga Kaniya (II Tim. 2:19). Ang layunin, proseso, at kalooban ng Diyos ang dapat na sundin ng tao upang sila ay maligtas at hindi ang sariling gawa o paraan ng tao (Roma 9:11, MB). Ang katunayan pa na kapag hindi kalooban o pamamaraan ng Diyos ang sinunod ng tao sa kaniyang paglilingkod na isinasagawa, kahit pa siya ay tumatawag sa pangalan ng Panginoong Jesus, kahit pa nagpapalayas ng demonyo at gumagawa ng himala gamit ang pangalan Niya ay hindi siya kikilalanin bagkus ay ituturing pang masama at hindi Niya ituturing na kabutihan ang kaniyang ginagawa (Mat. 7:21-23, Bagong Magandang Balita Biblia).

Sa panahong ito na kung tawag ay "mga wakas ng lupa," mayroon bang ipinakikilala ang Panginoong Diyos na mga tinawag Niya at binigyan ng kahalalan bilang bayan Niya? Mayroon. Gaya ng pinatutunayan sa Isaias 62:11-12 (Lamsa Translation) na mga tinawag ng Diyos sa "mga wakas ng lupa" o "ends of the earth" at kinikilala Niyang bayan Niya, anak na babae ng Sion na tinubos ng Panginoon at may gantimpalang kaligtasan na tatamuhin. Ang "mga wakas ng lupa" gaya ng natalakay na sa mga nakaraan ay panahong malapit na ang wakas ng lupa. Ang wakas ng lupa ay ang Araw ng Paghuhukom. Kaya, kapag sinabing "mga wakas ng lupa," ito ay tumutukoy sa panahong malapit na ang Araw ng Paghuhukom.

Nagbigay ang Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng Kaniyang hula ng ilang palatandaan na kapag nakita ay mauunawaan nating nagsimula na ang panahong tinatawag na "mga wakas ng lupa"—ito'y ang mga digmaan, paglindol, kagutom, at kahirapan (Mat. 24:6-8). Ang digmaang tinutukoy rito ay ang Unang Digmaang Pandaigdig na sumiklab kaalinsabay ng pagbangon ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914.

May binanggit din sa hula na "anak na babae ng Sion." Ang Sion na tinutukoy na may anak na babae ay ang Iglesia (Heb. 12:22-24, Living Bible). Iglesia o Sion na tinubos ng Panginoon. Sa Gawa 20:28 (Lamsa Translation) ay Iglesia ni Cristo ang tinubos ng dugo ng Panginoong Jesucristo. Tinawag na "anak na babae ng Sion" ang Iglesia ni Cristo sa "mga wakas ng lupa" sapagkat ito ang nalabing binhi (Apoc. 12:17). Kaya, hindi na ito ang unang Iglesia ni Cristo sa panahon ng mga apostol na natalikod sa tunay na pananampalataya kundi ang Iglesia ni Cristo sa ating panahon na lumitaw sa Pilipinas sa bisa ng mga hula na nakasulat sa Biblia.

At yayamang nalalapit na tayo sa Araw ng Paghuhukom, inaasahan ng Diyos sa mga binigyan Niya ng kahalalan at karapatan sa kaligtasan na tayo manatiling tapat sa pananampalataya dahil pinatutunayan din ng Biblia na sandaling panahon na lamang at ang Panginoong Jesucristo ay darating na at hindi maaantala (Heb. 10:32, 35, 37, New Living Translation). Kahit na makasagupa ang mga hinirang ng Diyos ng iba't ibang pagtitiis sa buhay na ito ay patuloy tayong magtitiyaga, mananatiling matatag hanggang wakas na sumusunod sa mga utos ng Panginoon at nagtitiwala sa Kaniya (Apoc. 14:12, Ibid.).

May ganito pang sinasabi ang Banal na Kasulatan tungkol sa mga sumusunod at naglilingkod sa Panginoon:
"At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, Isulat mo, mula ngayon, mapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan! At sinabi ng Espiritu, 'Totoo nga! Matatapos na ang kanilang paghihirap sapagkat ang kanilang ginawa ang magpapatunay sa kanilang karapatan'" (Apoc. 14:13, BMB).
Ipinasulat upang mabasa sa ating panahon na mapalad ang namalaging tapat na naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan dahil matatapos na rin ang kanilang mga paghihirap pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

Kaya laging nakahanda ang mga tunay na kaanib sa Iglesia ni Cristo sa pagbabalik ng Panginoong Jesucristo tulad ng pagdating ng magnanakaw (Lucas 12:39-40, 35-38, New Pilipino Version). Makakaya kaya ng mga hinirang ng Diyos na itaguyod ang kanilang mga paglilingkod sa Kaniya kahit na nga napakabigat, lalo na sa panahong ito, ng pagdadala ng buhay? May ganitong nakasulat na pahayag sa Isaias 43:2, na:
"Pag ikaw ay daraan, Sa karagatan, sasamahan kita; Hindi ka madadaig ng mga suliranin. Dumaan ka man sa apoy, Di ka maaano, Hindi ka maibubuwal Ng mabibigat na pagsubok" (MB).
Ganito ang pananalig ng mga hinirang ng Diyos na may mabibigat na dalahin sa kanilang buhay, kapag Siya ang kanilang kasama ay makakaya nila ang lahat ng pagsubok at suliranin na dumarating sa buhay.





Mula sa Pasugo: God's Message Magazine:  September 2011/ Volume 63/ Number 9/ ISSN 0116-1636/ pp.33-35



Biyernes, Oktubre 28, 2011

ANG PAG-ANIB SA IGLESIA AT ANG KALIGTASAN

Ni Bienvenido C. Santiago




ANG MALINAW NA aral ng Biblia tungkol sa kahalagahan ng Iglesia para sa kaligtasan ng kaluluwa ng tao ay pilit na pinalalabo ng ibang mga tagapangaral. Inililihis nila ang tao sa katotohanan upang hindi makita ang kahalagahan at kaugnayan ng pag-anib ng tao sa tunay na Iglesia sa pagliligtas na gagawin ni Cristo.

Sinasadya man nila o hindi, sinasalungat ng mga tagapangaral na ito ang mga patotoo ni Apostol Pablo na ang Panginoong Jesucristo mismo ay nagpapahalaga sa Iglesia. Ayon kay Apostol Pablo, ang Iglesia ang minamahal, pinakakain, at inaalagaan ni Cristo:
"Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya ... Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan, bagkus ito'y pinakakain at inaalagaan, gaya ng ginawa ni Cristo sa iglesya" (Efe. 5:25, Magandang Balita Biblia).
Dahil sa pagmamahal at pagpapahalaga ni Cristo sa Iglesia ay "inihandog niya ang kanyang buhay para rito" (Efe. 5:25, Ibid.). Tiniyak ni Apostol Pablo na ang Iglesia ang ililigtas ni Cristo. Ganito ang sabi niya:
"Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito" (Efe. 5:23, Ibid.).
Ang Iglesiang iyon ay "ang iglesia ni Cristo na binili niya [ni Cristo] ng kaniyang dugo" (Gawa 20:28, salin ni Lamsa).

Kung gayon, isang kalapastanganan sa ating Panginoong Jesucristo ang sinasabi ng ibang tagapangaral na hindi kailangan ang Iglesia at hindi raw ito mahalaga kaya't hindi kailangan at hindi raw mahalaga ang pag-anib dito, sapagkat para rin nilang sinabing inihandog ni Cristo ang Kaniyang buhay para sa isang hindi naman mahalaga. Natitiyak natin na salungat sa damdamin at isipan ni Cristo ang turong pinalalaganap ng mga naniniwalang hindi mahalaga ang Iglesia.

Malilinaw ang paglalarawang ibinigay ng Biblia upang ipakita ang kaugnayan ni Cristo sa Iglesia. Ang Iglesia ay katawan Niya, ayon kay Apostol Pablo:
"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia" (Col. 1:18).
Kaya hindi maaaring ihiwalay ang pagpapahalaga kay Cristo, bilang ulo, sa pagpapahalaga sa Iglesia, bilang katawan Niya. Ang pagsasama ni Cristo at ng Iglesia ang bumubuo sa "isang taong bago" (Efe. 2:15). Kung gayon, hindi maaaring maging kay Cristo ang isang tao kung hindi siya mapapaloob o mapapabilang sa Iglesiang katawan Niya.

Ang Iglesia at si Cristo ay hindi lamang sa isang tao itinulad kundi sa mag-asawa. Ang mag-asawa'y pinagsama ng Diyos at di dapat paghiwalayin ng sinumang tao, gayundin naman, hindi rin dapat paghiwalayin si Cristo at ang Iglesia. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:
"'Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila'y magiging isa.' Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito~ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang tinutukoy ko" (Efe. 5:31-32, MB).
Ang nakapagtataka'y alam naman marahil ng mga taong iyon ang ipinahayag ni Cristo tungkol sa Iglesia na mababasa sa Mateo 16:18:
"At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan" (Ibid.).
Pinatutunayan dito ni Cristo na hindi mapananaigan ng kamatayan ang Iglesiang itinayo Niya. Kung hindi mahalaga at hindi kailangan ang pag-anib sa Iglesia, gaya ng sinasabi ng ibang nangangaral, bakit pa itinayo ni Cristo ang Iglesia? Wala bang halaga ang itinayo Niya? Bakit sinabi pa Niyang Siya ang may-ari ng Iglesia kung wala naman pala itong halaga? Gusto ba Niyang maugnay sa Kaniya ang walang halaga? Hindi ba mahalaga na ang tao'y makatiyak na siya'y kabilang sa hindi mapananaigan ng kapangyarihan ng kamatayan?

Hindi pananaigan ng kamatayan ang Iglesiang itinayo ni Cristo sapagkat abutan man ng kamatayan ang mga kaanib nito, gayunman ay mabubuhay silang mag-uli. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:
"Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailanman" (II Tes. 4:16-17).
Ang mga nangamatay kay Cristo o ang mga kaanib sa Iglesiang itinayo Niya at tinawag Niyang "aking Iglesia" ang unang mabubuhay na mag-uli. Sila ay sasalubong sa ating Panginoong Jesucristo kasama ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na daratnang buhay sa Araw ng Paghuhukom at makakasama Niya sa Bayang Banal. Sa Bayang Banal ay hindi na sila luluha, hindi na magkakaroon ng dalamhati, ng panambitan, ng hirap, at higit sa lahat ay hindi na magkakaroon ng kamatayan (Apoc. 21:4). Samakatuwid, ang nakatitiyak ngayon pa lamang na makakapiling ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo sa Bayang Banal ay ang mga kabilang sa Iglesia.

Kaya hindi ba makatuwirang pahalagahan ng lahat ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo?

Ang Diyos mismo ay nagpapahalaga sa Iglesia. Kaya nga sa Iglesia dinadala ng Panginoon ang mga maliligtas:
"Na nangagpupuri sa Diyos at nagsisipagtamo ng paglingap ng mga tao. At idinaragdag ng Panginoon sa Iglesia araw-araw yaong mga dapat maligtas" (Gawa 2:47, salin sa Filipino mula sa King James Version).
Sa Iglesia idinaragdag ng Panginoon ang dapat maligtas sapagkat ang Iglesia ang ililigtas. Kung walang kinalaman sa kaligtasan ang pagiging kaanib sa Iglesia, bakit kailangan pang idagdag ng Panginoon sa Iglesia ang mga ililigtas?

Napakadakila ng panukala ng Diyos para sa Iglesia. Ang Iglesia ang pinili ng Diyos na maghayag ng Kaniyang walang hanggang karunungan: "upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan doon sa kalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan" (Efe. 3:10, MB). Ang mga nagsasabing hindi kailangan at hindi mahalaga sa kaligtasan ang Iglesia, ay binabale-wala ang walang hanggang karunungan ng Diyos sapagkat ang napakahalagang gampaning magpakilala nito ay sa Iglesia iniatang.

Bukod dito, sa Iglesia inilagay ng Diyos ang mga apostol, mga propeta, mga guro, mga tagapangasiwa at iba pa:
"Naglagay ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gagawa ng mga kababalaghan, mga magpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga magsasalita sa iba't ibang wika" (I Cor. 12:28, Ibid.). 
Kung walang halaga ang Iglesia, lilitaw na wala ring halaga ang mga apostol at mga propeta at ang lahat ng mga inilagay ng Diyos doon, dahil sa Iglesia sila inilagay ng Diyos.
Kaya salungat sa kalooban ng Diyos ang itinuturo ng mga nangangaral na nagsasabing ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo ay hindi kailangan at hindi mahalaga sa ikapagtatamo ng kaligtasan.



Mula sa Pasugo: God's Message Magazine:  October 2008/ Volume 60/ Number 10/ ISSN 0116-1636/pp.19-20

Huwebes, Oktubre 27, 2011

ANG IGLESIA NA IPINAKIKILALA NG BAGONG TIPAN

Ni Greg F. Nonato




"Sa harap ng napakaraming iglesia sa kasalukuyan, dapat magpakatino at magpakaingat ang tao sa pagpili ng kaniyang aaniban."

SA KASALUKUYAN, NAPAKARAMING samahang panrelihiyon ang naglipana na nagpapakilalang sila'y tunay na sa Diyos at kay Cristo. Ang marami sa kanila ay may iba't ibang ipinang-aakit sa mga tao may nangangako ng pagpapagaling, may nag-aalok ng pagyaman, may mga gumagawa ng himala, at iba pa. Sa kabila nito, hindi matututulan na ang tunay na Iglesia ay ang Iglesia na itinatag ng Panginoong Jesucristo na ipinakikilala sa Bagong Tipan kung saan ay itinuturo kung ano ang tinatawag na "Iglesia" at kung ano ang kahalagahan nito.

Kaya, sa harap ng napakaraming iglesia sa kasalukuyan, dapat magpakatino at magpakaingat ang tao sa pagpili ng kaniyang aaniban upang hindi masayang ang kaniyang pinuhunan at sa halip ay pakinabangan ang kahalagahan ng tunay na Iglesia.

ANG MGA KAANIB SA IGLESIA AY TINAWAG
Papaano napapabilang o nagiging kaanib sa tunay na Iglesia ang tao? Upang ang tao ay maging bahagi o kaanib sa Iglesia ay kinakailangang tawagin siya ng Diyos:

"At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi." (Col. 3:15, Magandang Balita Biblia, amin ang pagdiriin)
Ang katawan na tinutukoy ay walang iba kundi ang Iglesia. Ang Iglesia ay katawan ni Cristo sapagkat Siya ang ulo nito (Col. 1:18). Ang tao ay nagiging bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib sa Iglesia kung siya ay tinawag ng Diyos.

Ano ang kahulugan ng "tinawag" kapag ipinatutungkol sa mga kaanib ng Iglesia? Papaano sila tinawag at ano ang dahilan ng pagtawag sa kanila? Ang pagtawag sa tao upang umanib sa Iglesia ay kasingkahulugan ng pagpili o paghirang ng Diyos sa kaniya:

"Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, at hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag: Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas." (I Cor. 1:26-27, amin ang pagdiriin).
Ang mga tinawag sa Iglesia ay "pinili o hinirang ng Diyos." Kung gayon, dapat tiyakin ng sinumang tao na siya pinili, hinirang, o tinawag ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo upang masiguro niya na siya ay bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib ng Iglesia na itinuturo ng Bagong Tipan.

ANG PAGTAWAG NG DIYOS
Paano malalaman ng tao kung siya ay hinirang o tinawag ng Diyos? Mahalagang suriin natin ang proseso o paraan ng Diyos sa pagtawag o paghirang sa tao upang maging bahagi o kaanib ng tunay na Iglesia. Ganito ang matutunghayan natin sa sulat ni Apostol Pablo:

"Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo." (II Tes. 2:14).
Ayon sa pagtuturo ni Apostol Pablo ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo. Sino naman ang nangaral sa kanila ng dalisay na ebanghelyo na kanilang sinampalatayanan at ginanap kaya sila ibinilang na kaanib sa tunay na Iglesia? Sa II Cor. 5:20 ay ganito ang ating mababasa:
"Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo na kayo'y makipagkasundo sa Dios."
Ang kinasangkapan ng Diyos para mangaral ng ebanghelyo sa mga naging kaanib sa tunay na Iglesia ay ang mga sugo, tulad ng mga apostol. Kaya, sa pasimula ng ministeryo ni Jesus ay naghalala Siya ng mga apostol. Sila ay Kaniyang isinugo upang ipangaral ang ebanghelyo (Mat. 10:2-5). Inutusan Niya sila na ang sumampalataya sa kanilang pangangaral ay kanilang bautismuhan (Mar. 16:15-16). Ang pinangaralan ng mga sugo na sumampalataya at nabautismuhan ang ibinibilang na bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib sa tunay na Iglesia:
"Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu." (I Cor. 12:13, MB)
Sinumang tao na bagama't kaanib ng isang iglesia ngunit ang nangaral sa kaniya ay hindi sinugo ng Diyos ay nasa labas ng tunay na Iglesia na ipinakikilala ng Bagong Tipan na dapat aniban ng bawat tao. Hindi siya kasama sa mga tinawag, pinili, o hinirang ng Diyos.

ANG LAYUNIN KAYA TINAWAG SA KATAWAN O IGLESIA
Bakit ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay kailangang tawagin ng Diyos? Ganito ang isinasaad sa sulat ni Apostol Pablo:

"Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo'y makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristong ating Panginoon." (I Cor. 1:9, Ibid.)
Magkakaroon ng katuparan ang pakikipag-isa kay Cristo kapag ang tao ay tinawag ng Diyos na maging bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib sa tunay na Iglesia. Ang pakikipag-isang ito kay Cristo ang kalooban at layunin ng Diyos upang makamtan ng tao ang mga pagpapalang espirituwal at mapabilang sa itinalaga na maging mga anak ng Diyos:
"Magpagsalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban." (Efe. 1:3-5, Ibid.)
Ang tumangging maging bahagi ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa tunay na Iglesia ay sumasalungat sa layunin at kalooban ng Diyos.

Anu-ano ang mga pagpapalang espirituwal na matatamo ng tao na nakipag-isa kay Cristo sa paraang sila ay naging bahagi ng katawan ni Cristo o naging kaanib sa Iglesia? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

"Noong una'y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at mga kasalanan. Sinunod ninyo noon ang masamang takbo ng sanlibutang ito at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail. Dati, tayo'y kabilang sa mga ito, namuhay ayon sa pita ng laman at sinunod ang masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos. Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo'y binuhay niya kay Cristo kahit noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. (Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang loob.) Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan." (Efe. 2:1-6, Ibid.)
Malinaw ang pahayag ni Apostol Pablo kung bakit nais ng Diyos na ang tao ay makipag-isa muna kay Cristo sa paraang maging bahagi ng Kaniyang katawan o kaanib sa Iglesia. Dati, ang kalagayan ng hindi tinawag ay mga patay na dahil sa kanilang pagsuway o mga kasalanan; dati, sila ay kabilang sa mga taong kinapopootan ng Diyos; at dati, sila'y nasa ilalim ng prisipe ng kasamaan. Ngunit dahil sa napakasaganang habag at napakadakilang pag-ibig ng Diyos, tinawag Niya sila upang maging sangkap ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa tunay na Iglesia upang sila ay makipag-isa kay Cristo. Dahil sa pakikipag-isang ito kay Cristo, sila ay binuhay ng Diyos at sila'y naligtas sa kaparusahan.

Kaya, kapag tinanggihan ng tao na maging bahagi ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa tunay na Iglesia, ang katumbas nito ay tinatanggihan niya ang masaganang habag ng Diyos at ang Kaniyang napakadakilang pag-ibig.

Sa pagpapakilala ng Bagong Tipan, napakahalaga ng Iglesia na itinatag ni Cristo, sapagkat ito ang kahayagan ng masaganang habag ng Diyos at ng Kaniyang napakadakilang pag-ibig. Mahalaga ang Iglesia sapagkat ito ay itinatag ni Cristo upang ang mga tao ay magtamo ng mga pagpapalang espirituwal, at higit sa lahat, ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.



Mula sa Pasugo: God's Message Magazine:  March 2008/ Volume 60/ Number 3/ ISSN 0116-1636/pp. 21-22

Martes, Oktubre 25, 2011

ANG KINIKILALA NG DIYOS NA KANIYANG MGA ANAK

Ni Greg F. Nonato





ANG KARANIWANG PANINIWALA ng marami, lahat ng tao ay mga anak ng Diyos dahil silang lahat ay Kaniyang nilalang. Ngunit ang hindi nila alam, nang magkasala ang mga tao ay itinakuwil sila ng Diyos bilang mga anak Niya. Ganito ang pahayag ng Biblia:
 “Sila‎’y nagpakasama. Dahil dito’y di na sila marapat tawaging anak, Isang lahing tampalasan at balakyot.” (Deut. 32:5, Magandang Balita Biblia)
Dahil sa kanilang kasalanan, ang mga tao ay itinakuwil ng Diyos bilang Kaniyang mga anak. Hindi lamang nawala ang kanilang karapatan sa pagiging anak ng Diyos, kundi sila ay itinuring pa ng Diyos na Kaniyang mga kaaway:
 “At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong gawang masasama.” (Col. 1:21)
Dahil sa ang mga tao ay naging kaaway ng Diyos, sila ay nakatakdang parusahan sa Araw ng Paghuhukom:
 “Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.” (Heb. 10:27)


UPANG MAGING ANAK NG DIYOS
Subalit hindi dapat mawalan ng pag-asa ang sinuman. Bagaman ang mga tao ay itinakuwil ng Diyos bilang Kaniyang mga anak, nagbigay naman Siya ng pagkakataon upang sila ay muling magkaroon ng karapatang maging mga anak Niya. Ganito ang sinasabi ng Biblia:
 “Datapuwa’t ang lahat ng sa kaniya‎’y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan.” (Juan 1:12)
Upang ang tao ay muling magkaroon ng karapatan na maging anak ng Diyos, dapat niyang tanggapin at sampalatayanan ang pangalan ng Panginoong Jesucristo.

Sa kasalukuyan, maraming tagapangaral, lalo na ng mga pangkatin na tinatawag na evangelicals o Protestante, na ang ipinagdiriinan ay, “Tanggapin si Jesus!” o “Sampalatayanan si Jesus.” Sapat na raw ito upang ang tao ay pagkalooban ng karapatang maging anak ng Diyos. Dahil dito, mahalagang suriin natin sa pamamagitan ng aral mismo ni Jesus kung sino ang kinikilala Niya na tunay na sumasampalataya sa Kaniya upang malaman natin kung sino ang naging mga anak ng Diyos. Ganito ang Kaniyang pahayag:
 “Datapuwa’t hindi kayo nagsisampalataya, sapagka’t hindi kayo sa aking mga tupa.” (Juan 10:26)
Ayon kay Jesus, kung hindi kabilang sa Kaniyang mga tupa ay hindi tunay na sumasampalataya. Papaano makikilala ang mga taong kabilang sa mga tupa ni Jesus? Ganito ang patuloy Niyang pagtuturo:
 “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.” (Juan 10:27)
Ang mga taong nakikinig at sumusunod sa mga salita ni Jesus  ang kinikilala lamang Niya na Kaniyang mga tupa. Alin ang sinasalita ni Jesus na sinunod ng mga taong kabilang sa Kaniyang mga tupa?
 “Kaya’t muling sinabi ni Jesus, ‘Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. … Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas’.” (Juan 10:7, 9, MB)
Sinabi ni Jesus na Siya ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga taong pumasok sa Kaniya ang kinikilala Niyang kabilang sa mga tupa Niya. Saan napaloob ang mga tupang pumasok kay Jesus?
 “I am the door; anyone who comes into the fold through me shall be safe.” [ Ako ang pintuan; ang sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.] (John 10:9, New English Bible)
Ang mga pumasok kay Jesus ay kabilang sa kawan ng mga tupa. Ang kawan ng mga tupa ay tinawag ni Apostol Pablo na Iglesia ni Cristo:
 “Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)
Malinaw, kung gayon, na ang mga pumasok o umanib sa Iglesia ni Cristo ay nakinig at sumunod sa salita ni Cristo. At dahil sa sila ang kinikilala ni Cristo na Kaniyang mga tupa na tumanggap at sumasampalataya sa Kaniya, sila ang nagtamo ng karapatang maging mga anak ng Diyos (Juan 1:12). Sa kabilang dako, hindi tunay na sumasampalataya ang mga taong ayaw dinggin at sundin ang sinabi ni Jesus na pumasok sa Kaniya sa loob ng Iglesia ni Cristo. At hindi rin sila tunay na mga anak ng Diyos.


ANG PANGAKONG MAMANAHIN NG MGA ANAK NG DIYOS
Ang pagiging anak ng Diyos ay malaking pagibig at pagpapalang ipinagkaloob sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo:
 “Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Diyos; at tayo’y gayon nga. Dahil dito’y hindi tayo nakikilala ng sanglibutan, sapagka’t siya’y hindi nakilala nito.” (I Juan 3:1)
Bakit ang karapatan sa pagiging anak ng Diyos ay dapat ituring na malaking pag-ibig at pagpapalang kaloob Niya? Ganito ang sinabi ni Apostol Pablo:
 “Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios: at kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama niya.” (Roma 8:16-17)
Ang mga anak ng Diyos lamang ang tiyak na mga kasamang tagapagmana ni Cristo.
Hindi ang lupang ito ang mamanahin ng mga anak ng Diyos kundi ang baong langit at bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran:
“Nguni’t, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran.” (II Ped. 3:13)

Doon ay wala nang pagluha, wala nang hirap o panambitan man at hindi na magkakaroon ng kamatayan (Apoc. 21:1-4). Kailan tatamasahin ng mga anak ng Diyos ang maligayang buhay sa Bayang Banal? Sa pagbabalik ng Panginoong Jesucristo. Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
 “Sapagka’t ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesuscristo:
“Na siyang magbabago ng katawan ng ating pagkamababa upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian, ayon sa paggawa na maipagpapasuko niya sa lahat ng mga bagay sa kaniya.” (Filip. 3:20-21)
Itinuturing ng mga anak ng Diyos na ang kanilang pagkamamamayan ay hindi rito sa lupa kundi nasa langit. Matiyaga nilang hinihintay ang pagbabalik ng Panginoong Jesus sapagkat nalalaman nila na sa araw na yaon ay babaguhin ang kanilang katawan na pagkamababa (may kasiraan) at magiging katulad ng katawan ng Panginoon na maluwalhati (wala ng kasiraan). Ito ang dahilan kung bakit ang pagtatamo ng karapatan na maging anak ng Diyos ay isang napakadakilang kaloob at pagpapala na mula sa Kaniya.

Kabilang ka na ba sa mga anak ng Diyos? Kung hindi pa, nasain mong matamo ang dakilang kaloob at pagpapala na ito ng Diyos! Umanib ka sa tunay na Iglesia ni Cristo.




Mula sa Pasugo: God's Message Magazine:  August 2008/ Volume 60/ Number 8/ ISSN 0116-1636/pp. 22-23

Miyerkules, Oktubre 19, 2011

PAGKILALA AT PAGSAMBA SA TUNAY NA DIYOS

Ni Bienvenido C. Santiago


YAYAMANG ANG ISA sa pinakamahahalagang elemento ng relihiyon ay ang pagkilala at pagsamba sa Diyos, kaya dapat suriing mabuti ng bawat isa ang pagkilala at pagsamba sa Diyos ng kinaaaniban niyang relihiyon kung nais niyang makatiyak na siya’y kabilang sa mga tunay na mananamba at tunay ang kanyang relihiyong kaniyang kinabibilangan.

Ang tunay na mananamba ay nasa loob ng tunay na relihiyon at sumasamba sa tunay na Diyos. Itinuro ng ating Panginoong Jesucristo ang ganito:
“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya” (Juan 4:23).
Inuuri Niya rito ang mga sumasamba sa Diyos. Mayroon Siyang tinutukoy sa talatang ito na mga tunay na mananamba. Ito’y nagpapahiwatig na mayroon ding mga hindi tunay na mananamba.

Mangyari pa, ang mga tunay na mananamba ay ang mga mananamba sa tunay na Diyos. Labag sa katuwiran na ituring na tunay na mananamba ang sinumang tao na ang kinikilala at sinasamba ay hindi ang tunay na Diyos. Alinmang pagsamba na hindi ang tunay na Diyos ang pinag-uukulan ng pagpupuri, pagpapasalamat, at pagluluwalhati ay hindi tunay, walang katuturan at hindi nakalulugod sa Diyos. Kahit sabihin pa na ang gayong mga pagsamba ay isinagawa na may kalakip na pagpapakasakit at pagpapagal, yaon ay hindi bibigyang halaga ng tunay na Diyos.

Kaya hindi mahirap tiyakin kung sino sa mga nagpapakilala ngayon na sila’y Cristiano ang mga tunay na mananamba. Aalamin lamang natin kung sino sa mga ito ang kumikilala at sumasamba sa tunay na Diyos. At upang hindi tayo madaya ng bulaang tagapangaral, si Cristo ang paniwalaan natin kung sino ang ipinakikilala Niyang Diyos, sapagkat ayon sa Kaniya:
“Ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala. Siya’y nakikilala ko; sapagka’t ako’y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin” (Juan 7:28-29).
Si Jesucristo ang inakala ng iba na Diyos. Siya raw ay isa sa mga persona ng tinatawag na Trinidad, bagaman maging ang mga nagtuturo ng gayong aral, ay nagsasabing wala sa Biblia ang Trinidad, ni ang sinasabing mga persona nito. Subalit kailanma’y hindi ipinakilala ni Cristo ang Kaniyang sarili bilang tunay na Diyos. Manapa’y ganito ang sabi Niya sa Kaniyang panalangin:
“Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin Mo ang ang Iyong Anak, upang luwalhatiin ka rin ng Iyong Anak,...At ito ang buhay na walang hanggan—ang makilala Ka nila, Ikaw na kaisa-isang tunay na Dios, at si Jesu-Cristong sinugo Mo” (Juan 17:1, 3, Salita ng Buhay )
Maliwanag na ang Ama ang kaisa-isang tunay na Diyos na kinilala at ipinakikilala ni Cristo. Sinumang nagsasabing siya’y tagasunod ni Cristo ay dapat maniwala at sumampalataya sa itinuro Niyang ito. Maliwanag din Niyang itinuro rito ang dakilang kahalagahan ng pagkilala sa tunay na Diyos—ito ang ipagkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Apostol Pablo na walang hanggang kapahamakan ang nakalaan sa mga hindi nagsisikilala sa Diyos:
“Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan” (II Tes. 1:8-9).
Kaya hindi mabuting maliitin o bale-walain ng sinuman ang pagsusuri tungo sa pagkilala sa tunay na Diyos sapagkat ang nakataya rito ay ang buhay na walang hanggan at ang sinumang mahuhulog sa di pagkilala sa iisang tunay na Diyos ay nanganganib naman sa walang hanggang kapahamakan.

Ipinakilala rin ng mga apostol na ang Ama ang iisang tunay na Diyos. Pahayag ni Apostol Pablo: 
"Bagama’t marami ang natuturingang ‘dios’ sa langit daw at sa lupa (dahil maraming dini-dios at pinapanginoon ang mga tao), iisa lamang talaga ang Dios—ang Ama na lumalang ng lahat” (I Cor.8:5-6, SNB ).
Ang aral na nagsasabing wala nang iba pang dapat kilalaning Diyos maliban sa Ama na Manlalalang ay itinuro sa panahon pa ng mga propeta. Ganito angsabi ni Propeta Malakias: 
"Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin?” (Mal. 2:10, Magandang Balita Biblia ).
Samakatuwid, ang pagiging isa ay mahalagang katangian ng tunay na Diyos. Kaya, ang sinumang hindi kumikilala na ang Ama lamang ang iisang tunay na Diyos, wala nang iba pa, ay hindi tunay na mananamba kahit sabihin pang siya ay may isinasagawang pagpupuri at paglilingkod sa kinikilala niyang “diyos”. Bukod ditto, sinasalungat din niya ang itinuro ng Panginoong Jesuscristo, ng mga apostol at ng mga propeta tungkol sa Diyos—na ang Diyos ay iisa at Siya lamang ang Manlalalang.

Itinuro rin ng Panginoong Jesucristo kung ano ang likas na kalagayan ng tunay na Diyos na sinasamba ng mga tunay na mananamba sa Kaniya. Ganito ang sabi Niya:
“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at katotohanan” (Juan 4:23-24).
Ang tunay na Diyos ay Espiritu. Nilinaw ng Panginoong Jesucristo kung ano ang kahulugan ng pagiging espiritu:
“Ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin” (Lucas 24:39).
Ang pahayag na ito ni Jesus ay katumbas na rin ng pagsasabing hindi Siya Diyos, sapagkat nakikita na nasa Kaniya (kay Jesus) ang laman at mga buto na hindi taglay ng Espiritu o ng Diyos.

Kung gayon, hindi maituturing na tunay na mananamba sa Diyos ang mga naniniwalang si Cristo ang Diyos at Siya ang sinasamba bilang Diyos. Si Cristo ay ipinag-uutos ng Diyos na sambahin hindi dahil Siya ang Diyos kundi ito’y dapat gawin para sa kaluwalhatian ng Diyos:
“Kung kaya’t sa pangalan ni Jesus ay luluhod ang lahat sa langit at sa ibabaw ng lupa at sa ilalim ng lupa, at ipahahayag ng lahat ng dila na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama” (Filip. 2:10-11, SNB ).
Hindi rin maituturing na tunay na mananamba ang mga naniniwala sa Trinidad sapagkat hindi nila tinanggap ang aral na ang Ama lamang ang tunay na Diyos, wala nang iba liban sa Kaniya.

Ang sinabi ni Jesus na ang Ama, na iisang tunay na Diyos, ay walang laman at mga buto ay nagpapakilala sa isa pa sa mga katangian ng tunay na Diyos: hindi Siya nakikita. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo: 
"Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kalian man. Siya nawa” (I Tim. 1:17).
At sapagkat ang tunay na Diyos ay hindi nakikita, hindi Siya maaaring igawa ng representasyon sa anyo ng larawan o rebulto. At ito’y ipinagbabawal, gaya ng sinabi ni Apostol Pablo:
“Hindi natin dapat iparis ang Dios sa isang imahen na gawa ng mga tao at yari sa ginto, pilak o bato” (Gawa 17:29, SNB ).
Mula pa nang mga unang panahon ay ipinagbawal na ng Diyos ang paggawa ng imahen o larawan sa layuning ito ay sambahin:
"Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:  Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin" (Exo. 20:4-5)
Kung gayon, hinid maaaring ituring na mga tunay na mananamba sa Diyos ang mga taong gumagamit ng imahen sa kanilang pagsamba sa Kaniya, manapa’y lumalabag sila sa kalooban ng Diyos at ang relihiyong nagtuturo ng gayon ay tiyak na hindi tunay. Bagaman pinangangatuwiranan ito ng iba at sinasabi nilang hindi raw ang larawan ang kanilang talagang pinupuri at sinasamba kundi ang Diyos na Siya raw ang pinag-uukulan nila ng lahat ng kanilang ginagawang paglilingkod sa harap ng larawan, subalit may pasiya na ang Diyos sa gayong uri ng pagsamba. Ang sabi Niya’y:
“Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan” (Isa. 42:8).


Mula sa Pasugo: God's Message Magazine:  April 2009/ Volume 61/ Number 4/ ISSN 0116-1636/pp.19-20

ANG DAPAT TUPARIN NG MAGLILINGKOD SA DIYOS

Ni Eugene G. Lising




MAY IBA'T-IBANG paniniwala tungkol sa kung papaano dapat isagawa ang paglilingkod sa Diyos. Para sa iba, sapat na ang kahit anong uri at paraan ng pagkilala at paglilingkod─iyon daw ay tinatanggap na ng Diyos. Kaya kapag may naririnig sila na taliwas sa kanilang pinaniniwalaan o opinyon ay ipinagkikibit-balikat na lamang nila.

Papaano ba ang marapat na paglilingkod ng tao sa Diyos? At sino ang dapat masunod sa paglilingkod sa Kaniya?

ANG TUNAY NA PAGLILINGKOD SA DIYOS
Itinuturo ng Banal na Kasulatan ang paraan ng tunay na paglilingkod sa Diyos. Ganito ang pahayag:
"At ngayon, Israel, ano ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Dios, lumakad ka sa lahat ng kaniyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong Dios, ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo. Na ganapin mo ang mga utos ng Panginoon, at ang kaniyang mga palatuntunan, aking iniuutos sa iyo sa araw na ito sa iyong ikabubuti?" (Deut. 10:12-13).
Ang paglilingkod sa Diyos ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniyang mga utos nang buong puso at buong kaluluwa. Namamalagi ang katotohanang ito hanggang sa panahong Cristiano. Ipinahayag mismo ng ating Panginoong Jesucristo kung papaano ang marapat na pagsamba at paglilingkod sa Diyos. Sinabi Niya:
"Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa" (Mat. 6:9-10).
Iniutos ng Panginoong Jesucristo na sambahin ang pangalan ng Ama at gawin o sundin ang Kaniyang kalooban. Kaya hanggang sa panahon natin, namamalagi ang patakaran ng Diyos na ang maglilingkod sa Kaniya ay dapat sumunod sa Kaniyang mga kalooban. Samakatuwid, alinmang relihiyon o sinuman na ang uri ng paglilingkod, pagkilala, at pagsamba sa Diyos ay labag sa mga kautusan Niya ay natitiyak nating hindi tunay na naglilingkod sa Kaniya.

ANG HINDI MAIIWASAN UPANG MAKASUNOD
Nagbigay ng halimbawa ang Panginoong Jesucristo ng wastong pagsunod sa kalooban ng Diyos:
"Sapagka't bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin" (Juan 6:38).
Bagama't ang Panginoong Jesucristo ay bugtong na Anak ng Diyos, Tagapagligtas, at nagtataglay ng iba pang mga katangiang ipinagkaloob ng Diyos, itinanggi Niya ang sariling kalooban upang ang masunod ay ang kalooban ng Diyos.

Si Apostol Pablo na may mataas na pinag-aralan siya ay nag-aral ng kautusan sa paanan ni Gamaliel, isang bantog at matalinong tao sa kaniyang panahon - ay nagtanggi rin ng sarili alang-alang sa pagsunod. Sinabi niyang, "At ako'y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili ... kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios ..." (Filip. 3:9).

Kaya walang sinumang dapat magmataas at tumanggi sa kalooban ng Diyos. Mismong ang Panginoong Jesucristo ay nagpakababa at nagmasunurin sa Diyos hanggang sa kamatayan (Filip. 2:5, 8). Upang maisagawa ng sinuman ang tunay na paglilingkod sa Diyos, dapat niyang sundin ang kalooban ng Diyos at dahil dito, hindi maiiwasan ang pagpapakababa at pagtatanggi ng sarili.

ANG KATUNAYAN NG PAGKILALA SA DIYOS
Maaaring sabihin ng iba na nagpapagal at nagpapakasakit naman sila alang-alang sa pagkilala at paglilingkod nila sa Diyos. Mayroon din silang mga pagsamba at sila ay nangangaral din. Ngunit dapat makatawag ng pansin sa kanila ang ipinahayag ni Apostol Pablo:
"Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala. Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios" (Roma 10:2-3)
May mga nasaksihan si Apostol Pablo noon na mga taong may pagmamalasakit sa Diyos ngunit hindi ayon sa pagkakilala. Dahil sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Diyos, nagtayo sila ng sariling kanila at hindi sila napasakop sa katuwiran ng Diyos.

Ano ang ibig sabihin na ang kanilang pagmamalasakit sa Diyos ay hindi ayon sa pagkakilala? Papaano ang pagkilala sa Diyos ayon sa Biblia? Ganito ang pagtuturo ni Apostol Juan:
"At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos. Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniya mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya" (I Juan 2:3-4).
Tunay na napatutunayan ng sinuman na kumikilala siya sa Diyos sa pamamagitan ng pagtupad o pagsunod niya sa Kaniyang mga utos. Sinungaling at wala sa katotohanan ang nagsasabing nakikilala niya ang Diyos ngunit hindi tumutupad ng Kaniyang mga utos.

ANG KALOOBAN NG DIYOS PARA SA LAHAT NG TAO
Papaano makararating ang tao sa tunay na paglilingkod at pagkilala sa Diyos? Ano ba ang kalooban ng Diyos para sa lahat ng tao?
"Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin. Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko." (Efe. 1:9-10)
Ang kalooban, minagaling, at ipinasiya ng Diyos ay tipunin o pagsama-samahin ang lahat ng tao sa Panginoong Jesucristo. Papaano matutupad ng tao ang kaloobang ito ng Diyos? Ganito ang paliwanag ng Biblia:
"Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain: Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa" (Roma 12:4-5).
Upang matipon kay Cristo ang lahat ng tao, kailangang sila ay magsama-sama bilang mga sangkap sa iisang katawan kay Cristo. Kaya ang mga natipon kay Cristo ay nasa iisang katawan. Ang tinutukoy na iisang katawan ay ang Iglesia na pinangunguluhan ni Cristo (Col. 1:18)─ang Iglesia ni Cristo (Roma 16:16). Ito ang katuwiran at kalooban ng Diyos para sa lahat ng tao upang kanilang maisagawa ang tunay na paglilingkod sa Kaniya. Hindi dapat magtayo o gumawa ang sinuman ng sariling pamamaraan sa paglilingkod sa Diyos (Roma 10:2-3, Magandang Balita Biblia).

ANG KALOOBAN NG DIYOS KAPAG NASA TUNAY NA IGLESIA NA
Ngunit sapat na bang matipon lamang sa Iamang sa Iglesia ni Cristo? Itinuro ng Apostol Pablo:
"Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran" (Efe.2:10).
Ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa na inihanda ng Diyos nang una upang kanilang lakaran. Ang mabuti ay ang mga utos ng Diyos (Roma 7:12) at ang tanging makapangangaral nito ay ang sugo ng Diyos (Roma 10:15). Kaya sa loob ng tunay na Iglesia ni Cristo dapat umanib ang tao sapagkat naroon ang sugo ng Diyos na sa pamamagitan nito ay malalaman ng tao ang dalisay na mga salita ng Diyos na dapat lakaran sa ikababanal at ikaliligtas (Juan 17:17; Roma 1:16-17).

Dahil dito, ano ang dapat na maging uri ng bawat kaanib sa Iglesia ni Cristo? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
"Kaya't kung sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago" (II Cor. 5:17).
Ang mga kay Cristo ay bagong nilalang na. Hindi lamang sapagkat naging sangkap sila ng katawan ni Cristo kundi ang mga dating bagay ay inaasahang lumipas na o iniwan na nila ang dating masamang paraan ng pamumuhay at ang kanilang ibinihis ay ang bagong espiritu ng pag-iisip at bagong pagkatao na ayon sa katuwiran at kabanalan (Efe. 4:21-24).

Ang mga ito ay dapat matupad ng sinumang naghahangad na maglingkod sa Diyos. Dapat niyang tiyakin na ang magagawa niya ay pawang kalooban ng Diyos. Dito lamang dapat masalig ang paglilingkod niya upang ito ay magkaroon ng kabuluhan sa Diyos at kaniyang ikaliligtas sa Araw ng Paghuhukom.




Mula sa Pasugo: God's Message Magazine:  June 2011/ Volume 63/ Number 6 ISSN 0116-1636/pp. 23-25

Lunes, Setyembre 26, 2011

ANG PAGKAKAIBA NG NASA LOOB AT NG NASA LABAS NG IGLESIA

Ni Greg F. Nonato


"Maging sa pagkabuhay na mag-uli ay malaki ang pagkakaiba ng kaanib sa Iglesia at ng hindi kaanib."

PINANINIWALAAN NG MARAMI na ang lahat ng relihiyon ay magkakapareho lamang sa harap ng Diyos. Kaya ang iba ay hindi maselan sa pagpili ng relihiyong inaaaniban. Kung alin ang babagay sa kanilang kursunada at paraan ng pamumuhay ay doon sila umaanib.

Sang-ayon kaya sa pagtuturo ng Biblia ang paniniwalang ang lahat ng relihiyon ay magkakatulad lamang sa harap ng Diyos? Ganito kaya ang itinuro ni Cristo at ng Kaniyang mga apostol? Ayon sa pagtuturo ng Biblia, ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
"Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus." (Roma 8:1)
Pansinin na hindi sinabi ni Apostol Pablo na ang lahat ng tao o kahit sino na lamang ay wala nang hatol. Ang tinitiyak ng Biblia na wala nang hatol o hindi na parurusahan ay ang mga na kay Cristo.

Mahalaga, kung gayon, na malaman ng tao kung sino ang tinutukoy ni Apostol Pablo na mga na kay Cristo at dito siya dapat mapabilang upang hindi makasama sa mga parurusahan.

ANG MGA WALA NANG HATOL
Sino ang mga taong na kay Cristo at hindi na hahatulan? Ganito ang mababasa sa Biblia:
"Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa." (Roma 12:5)
Ang mga taong kay Cristo ay itinulad sa mga sangkap na sama-sama sa iisang katawan. Ang tinutukoy na katawang kay Cristo ay ang Iglesia Niya:
"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia." (Col. 1:18)
Ang Iglesiang ito na katawan ni Cristo ang tinatawag ng Biblia na Iglesia ni Cristo (Roma 16:16). Kaya, nakatitiyak ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na maliligtas sila sa hatol o parusa.

Batay sa mga katotohanang ito, maituturing kaya na magkapareho lamang o walang pagkakaiba ang kaanib sa tunay na Iglesia at ang hindi kaanib? Hindi rin kaya hahatulan o parurusahan ang nasa labas nito? Ganito ang nakasulat sa Biblia:
"Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao."  (I Cor. 5:13)
Tinitiyak ng Biblia na ang mga nasa labas ay hahatulan o parurusahan ng Diyos. Kaya isang malaking kamalian ang paniniwalang makakapareho lamang na sa Diyos ang lahat ng relihiyon at walang pagkakaiba ang kaanib at hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo.

ANG MGA TAGAPAGMANA NG PANGAKO
Pinatutunayan ng Biblia na ang mga kay Cristo ang kinikilalang binhi ni Abraham at mga tagapagmana ng pangako ng Diyos:
"At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako." (Gal. 3:29)
Pansining muli na hindi sinasabi sa Biblia na ang lahat ng tao ay mga tagapagmana ng mga pangako. Sa halip, ang mga kay Cristo ang magmamana ng mga pangako. Ano ang pangako na mamanahin ng mga kay Cristo?
"At ito ang pangakong kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan." (I Juan 2:25)
"Nguni't, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran." (II Ped. 3:13)
Pinangakuan ang mga kay Cristo ng buhay na walang hanggan. Ang mga kay Cristo rin ang maninirahan sa bagong langit at bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran. Kaya, hindi ang lupang ito na ating kasalukuyang tinatahanan ang inaasahan ng mga kay Cristo. Itinuturing nila na sa lupang ito ay manlalakbay lamang sila (Heb. 11:13) at ang tunay nilang bayan ay nasa langit (Filip. 3:20).

Tunay na mapalad ang mga kay Cristo o ang mga sangkap ng Kaniyang katawan o Iglesia.

Pareho lamang ba ang kapalaran ng kaanib at hindi kaanib sa Iglesia? Ang mga hiwalay kay Cristo o hindi sangkap ng Kaniyang katawan o hindi kaanib sa Iglesia ay magmamana rin kaya ng mga pangako ng Diyos? Ganito ang nakasulat sa Biblia:
"Hiwalay kayo noon kay Cristo at hindi kabilang sa Israel. Wala kayong bahagi sa tipan at pangako ng Dios sa kanila. Wala kayong Dios o pag-asa sa kaligtasan." (Efe 2:12, Salita ng Buhay)
Ang hiwalay kay Cristo ay hindi kabilang sa Israel kung kaya hindi ibinibilang na binhi ni Abraham. Bukod dito, ang hiwalay kay Cristo o wala sa Iglesia ni Cristo ay walang bahagi sa tipan at mga pangako. Wala silang karapatang maglingkod sa Diyos at wala silang pag-asa sa kaligtasan. Kaya hindi totoo na magkapareho lamang at walang pagkakaiba ang kaanib sa Iglesia ni Cristo at ang hindi kaanib. Malaki ang pagkakaiba ng mga taong nasa loob ng Iglesia at ng mga nasa labas.

MAGKAIBA SA PAGKABUHAY NA MULI
Sa muling pagparito ng Panginoong Jesucristo, kapag binuhay nang muli ang mga namatay, pareho lamang ba't walang pagkakaiba ang kaanib at di kaanib ng Iglesia ni Cristo? Ang sabi sa Biblia:
"Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man." (I Tes. 4:16-17)
Ang mga namatay kay Cristo, ayon sa mga apostol, ang unang mabubuhay na muli, at ang mga daratnang buhay ay aagawing kasama nila upang sumalubong sa Panginoon at sila'y sasa Kaniya magpakailan man. Kasama ba sa unang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ang mga hindi kaanib sa Iglesia? Ganito ang nakasulat sa Biblia:
 "Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli."(Apoc. 20:5)
Maging sa pagkabuhay na mag-uli ay malaki ang pagkakaiba ng kaanib sa Iglesia at ng hindi kaanib. Ang mga kay Cristo ang unang mabubuhay na mag-uli samantalang ang hindi kay Cristo ay hindi mangabubuhay hanggang sa maganap ang isang libong taon. Pareho lang kaya na magiging mapalad ang kasama sa unang pagkabuhay na muli at ang bubuhayin makalipas ang isang libong taon? Ganito ang sagot ng Biblia:
"Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon." (Apoc 20:6)
Ang mapalad ay yaong makakalakip sa unang pagkabuhay na mag-uli sapagkat wala nang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan o ang kaparusan sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14). Ito ay kaayon ng pangako ni Cristo sa Kaniyang Iglesia na ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi mananaig dito (Mateo 16:18).

Sa kabilang dako, magiging mapalad din kaya ang mga hindi kaanib sa Iglesia o ang mga bubuhayin makaraan ang isang libong taon? Ganito ang matutunghayan sa Biblia:
"At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan. At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok." (Apoc. 20:7-9)
Ang hindi kasama sa unang pagkabuhay na mag-uli, na ito nga ay ang mga hindi kaanib sa Iglesia, ay sawimpalad sapagkat nakasulat sa Biblia na bagaman sila ay bubuhayin, ang apoy ay bababa mula sa langit upang sila ay supukin.

Mga mahal naming mababasa, huwag natin itong ipagwalang-bahala. Alisin natin sa ating isipan ang maling paniniwala na ang lahat ng relihiyon ay magkakapareho lamang sa harap ngh Diyos. Pawiin natin sa ating isipan ang paniniwala na walang pagkakaiba ang nasa loob at ang nasa labas ng tunay na Iglesiang kay Cristo. Gaya ng ating tinalakay, napakalaki ng pagkakaiba ng mga kay Cristo o kaanib sa kaniyang Iglesia kaysa hindi kaanib o hindi kay Cristo. Ang maging kay Cristo ay katumbas ng pagiging ligtas sa hatol sa Araw ng Paghuhukom. Ang pagiging kay Cristo ay katumbas ng pagmamana ng mga pangako ng Diyos. Ang maging kay Cristo ay katumbas ng unang pagkabuhay na muli at paghaharing kasama ni Cristo sa Kaniyang pagparito.

Mula sa Pasugo: God's Message Magazine: July 2011/ Volume 63/ Number 7/ ISSN 0116-1636/pp. 25-27