YAYAMANG ANG ISA sa pinakamahahalagang elemento ng relihiyon ay ang pagkilala at pagsamba sa Diyos, kaya dapat suriing mabuti ng bawat isa ang pagkilala at pagsamba sa Diyos ng kinaaaniban niyang relihiyon kung nais niyang makatiyak na siya’y kabilang sa mga tunay na mananamba at tunay ang kanyang relihiyong kaniyang kinabibilangan.
Ang tunay na mananamba ay nasa loob ng tunay na relihiyon at sumasamba sa tunay na Diyos. Itinuro ng ating Panginoong Jesucristo ang ganito:
“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya” (Juan 4:23).
Inuuri Niya rito ang mga sumasamba sa Diyos. Mayroon Siyang tinutukoy sa talatang ito na mga tunay na mananamba. Ito’y nagpapahiwatig na mayroon ding mga hindi tunay na mananamba.
Mangyari pa, ang mga tunay na mananamba ay ang mga mananamba sa tunay na Diyos. Labag sa katuwiran na ituring na tunay na mananamba ang sinumang tao na ang kinikilala at sinasamba ay hindi ang tunay na Diyos. Alinmang pagsamba na hindi ang tunay na Diyos ang pinag-uukulan ng pagpupuri, pagpapasalamat, at pagluluwalhati ay hindi tunay, walang katuturan at hindi nakalulugod sa Diyos. Kahit sabihin pa na ang gayong mga pagsamba ay isinagawa na may kalakip na pagpapakasakit at pagpapagal, yaon ay hindi bibigyang halaga ng tunay na Diyos.
Kaya hindi mahirap tiyakin kung sino sa mga nagpapakilala ngayon na sila’y Cristiano ang mga tunay na mananamba. Aalamin lamang natin kung sino sa mga ito ang kumikilala at sumasamba sa tunay na Diyos. At upang hindi tayo madaya ng bulaang tagapangaral, si Cristo ang paniwalaan natin kung sino ang ipinakikilala Niyang Diyos, sapagkat ayon sa Kaniya:
“Ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala. Siya’y nakikilala ko; sapagka’t ako’y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin” (Juan 7:28-29).
Si Jesucristo ang inakala ng iba na Diyos. Siya raw ay isa sa mga persona ng tinatawag na Trinidad, bagaman maging ang mga nagtuturo ng gayong aral, ay nagsasabing wala sa Biblia ang Trinidad, ni ang sinasabing mga persona nito. Subalit kailanma’y hindi ipinakilala ni Cristo ang Kaniyang sarili bilang tunay na Diyos. Manapa’y ganito ang sabi Niya sa Kaniyang panalangin:
“Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin Mo ang ang Iyong Anak, upang luwalhatiin ka rin ng Iyong Anak,...At ito ang buhay na walang hanggan—ang makilala Ka nila, Ikaw na kaisa-isang tunay na Dios, at si Jesu-Cristong sinugo Mo” (Juan 17:1, 3, Salita ng Buhay )
Maliwanag na ang Ama ang kaisa-isang tunay na Diyos na kinilala at ipinakikilala ni Cristo. Sinumang nagsasabing siya’y tagasunod ni Cristo ay dapat maniwala at sumampalataya sa itinuro Niyang ito. Maliwanag din Niyang itinuro rito ang dakilang kahalagahan ng pagkilala sa tunay na Diyos—ito ang ipagkakaroon ng buhay na walang hanggan.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Apostol Pablo na walang hanggang kapahamakan ang nakalaan sa mga hindi nagsisikilala sa Diyos:
“Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan” (II Tes. 1:8-9).
Kaya hindi mabuting maliitin o bale-walain ng sinuman ang pagsusuri tungo sa pagkilala sa tunay na Diyos sapagkat ang nakataya rito ay ang buhay na walang hanggan at ang sinumang mahuhulog sa di pagkilala sa iisang tunay na Diyos ay nanganganib naman sa walang hanggang kapahamakan.
Ipinakilala rin ng mga apostol na ang Ama ang iisang tunay na Diyos. Pahayag ni Apostol Pablo:
"Bagama’t marami ang natuturingang ‘dios’ sa langit daw at sa lupa (dahil maraming dini-dios at pinapanginoon ang mga tao), iisa lamang talaga ang Dios—ang Ama na lumalang ng lahat” (I Cor.8:5-6, SNB ).
Ang aral na nagsasabing wala nang iba pang dapat kilalaning Diyos maliban sa Ama na Manlalalang ay itinuro sa panahon pa ng mga propeta. Ganito angsabi ni Propeta Malakias:
"Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin?” (Mal. 2:10, Magandang Balita Biblia ).
Samakatuwid, ang pagiging isa ay mahalagang katangian ng tunay na Diyos. Kaya, ang sinumang hindi kumikilala na ang Ama lamang ang iisang tunay na Diyos, wala nang iba pa, ay hindi tunay na mananamba kahit sabihin pang siya ay may isinasagawang pagpupuri at paglilingkod sa kinikilala niyang “diyos”. Bukod ditto, sinasalungat din niya ang itinuro ng Panginoong Jesuscristo, ng mga apostol at ng mga propeta tungkol sa Diyos—na ang Diyos ay iisa at Siya lamang ang Manlalalang.
Itinuro rin ng Panginoong Jesucristo kung ano ang likas na kalagayan ng tunay na Diyos na sinasamba ng mga tunay na mananamba sa Kaniya. Ganito ang sabi Niya:
“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at katotohanan” (Juan 4:23-24).
Ang tunay na Diyos ay Espiritu. Nilinaw ng Panginoong Jesucristo kung ano ang kahulugan ng pagiging espiritu:
“Ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin” (Lucas 24:39).
Ang pahayag na ito ni Jesus ay katumbas na rin ng pagsasabing hindi Siya Diyos, sapagkat nakikita na nasa Kaniya (kay Jesus) ang laman at mga buto na hindi taglay ng Espiritu o ng Diyos.
Kung gayon, hindi maituturing na tunay na mananamba sa Diyos ang mga naniniwalang si Cristo ang Diyos at Siya ang sinasamba bilang Diyos. Si Cristo ay ipinag-uutos ng Diyos na sambahin hindi dahil Siya ang Diyos kundi ito’y dapat gawin para sa kaluwalhatian ng Diyos:
“Kung kaya’t sa pangalan ni Jesus ay luluhod ang lahat sa langit at sa ibabaw ng lupa at sa ilalim ng lupa, at ipahahayag ng lahat ng dila na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama” (Filip. 2:10-11, SNB ).
Hindi rin maituturing na tunay na mananamba ang mga naniniwala sa Trinidad sapagkat hindi nila tinanggap ang aral na ang Ama lamang ang tunay na Diyos, wala nang iba liban sa Kaniya.
Ang sinabi ni Jesus na ang Ama, na iisang tunay na Diyos, ay walang laman at mga buto ay nagpapakilala sa isa pa sa mga katangian ng tunay na Diyos: hindi Siya nakikita. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:
"Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kalian man. Siya nawa” (I Tim. 1:17).
At sapagkat ang tunay na Diyos ay hindi nakikita, hindi Siya maaaring igawa ng representasyon sa anyo ng larawan o rebulto. At ito’y ipinagbabawal, gaya ng sinabi ni Apostol Pablo:
“Hindi natin dapat iparis ang Dios sa isang imahen na gawa ng mga tao at yari sa ginto, pilak o bato” (Gawa 17:29, SNB ).
Mula pa nang mga unang panahon ay ipinagbawal na ng Diyos ang paggawa ng imahen o larawan sa layuning ito ay sambahin:
"Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin" (Exo. 20:4-5)
Kung gayon, hinid maaaring ituring na mga tunay na mananamba sa Diyos ang mga taong gumagamit ng imahen sa kanilang pagsamba sa Kaniya, manapa’y lumalabag sila sa kalooban ng Diyos at ang relihiyong nagtuturo ng gayon ay tiyak na hindi tunay. Bagaman pinangangatuwiranan ito ng iba at sinasabi nilang hindi raw ang larawan ang kanilang talagang pinupuri at sinasamba kundi ang Diyos na Siya raw ang pinag-uukulan nila ng lahat ng kanilang ginagawang paglilingkod sa harap ng larawan, subalit may pasiya na ang Diyos sa gayong uri ng pagsamba. Ang sabi Niya’y:
“Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan” (Isa. 42:8).
Mula sa Pasugo: God's Message Magazine: April 2009/ Volume 61/ Number 4/ ISSN 0116-1636/pp.19-20
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento