ANG MALINAW NA aral ng Biblia tungkol sa kahalagahan ng Iglesia para sa kaligtasan ng kaluluwa ng tao ay pilit na pinalalabo ng ibang mga tagapangaral. Inililihis nila ang tao sa katotohanan upang hindi makita ang kahalagahan at kaugnayan ng pag-anib ng tao sa tunay na Iglesia sa pagliligtas na gagawin ni Cristo.
Sinasadya man nila o hindi, sinasalungat ng mga tagapangaral na ito ang mga patotoo ni Apostol Pablo na ang Panginoong Jesucristo mismo ay nagpapahalaga sa Iglesia. Ayon kay Apostol Pablo, ang Iglesia ang minamahal, pinakakain, at inaalagaan ni Cristo:
Sinasadya man nila o hindi, sinasalungat ng mga tagapangaral na ito ang mga patotoo ni Apostol Pablo na ang Panginoong Jesucristo mismo ay nagpapahalaga sa Iglesia. Ayon kay Apostol Pablo, ang Iglesia ang minamahal, pinakakain, at inaalagaan ni Cristo:
"Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya ... Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan, bagkus ito'y pinakakain at inaalagaan, gaya ng ginawa ni Cristo sa iglesya" (Efe. 5:25, Magandang Balita Biblia).
Dahil sa pagmamahal at pagpapahalaga ni Cristo sa Iglesia ay "inihandog niya ang kanyang buhay para rito" (Efe. 5:25, Ibid.). Tiniyak ni Apostol Pablo na ang Iglesia ang ililigtas ni Cristo. Ganito ang sabi niya:
"Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito" (Efe. 5:23, Ibid.).
Ang Iglesiang iyon ay "ang iglesia ni Cristo na binili niya [ni Cristo] ng kaniyang dugo" (Gawa 20:28, salin ni Lamsa).
Kung gayon, isang kalapastanganan sa ating Panginoong Jesucristo ang sinasabi ng ibang tagapangaral na hindi kailangan ang Iglesia at hindi raw ito mahalaga kaya't hindi kailangan at hindi raw mahalaga ang pag-anib dito, sapagkat para rin nilang sinabing inihandog ni Cristo ang Kaniyang buhay para sa isang hindi naman mahalaga. Natitiyak natin na salungat sa damdamin at isipan ni Cristo ang turong pinalalaganap ng mga naniniwalang hindi mahalaga ang Iglesia.
Malilinaw ang paglalarawang ibinigay ng Biblia upang ipakita ang kaugnayan ni Cristo sa Iglesia. Ang Iglesia ay katawan Niya, ayon kay Apostol Pablo:
Malilinaw ang paglalarawang ibinigay ng Biblia upang ipakita ang kaugnayan ni Cristo sa Iglesia. Ang Iglesia ay katawan Niya, ayon kay Apostol Pablo:
"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia" (Col. 1:18).
Kaya hindi maaaring ihiwalay ang pagpapahalaga kay Cristo, bilang ulo, sa pagpapahalaga sa Iglesia, bilang katawan Niya. Ang pagsasama ni Cristo at ng Iglesia ang bumubuo sa "isang taong bago" (Efe. 2:15). Kung gayon, hindi maaaring maging kay Cristo ang isang tao kung hindi siya mapapaloob o mapapabilang sa Iglesiang katawan Niya.
Ang Iglesia at si Cristo ay hindi lamang sa isang tao itinulad kundi sa mag-asawa. Ang mag-asawa'y pinagsama ng Diyos at di dapat paghiwalayin ng sinumang tao, gayundin naman, hindi rin dapat paghiwalayin si Cristo at ang Iglesia. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:
"'Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila'y magiging isa.' Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito~ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang tinutukoy ko" (Efe. 5:31-32, MB).
Ang nakapagtataka'y alam naman marahil ng mga taong iyon ang ipinahayag ni Cristo tungkol sa Iglesia na mababasa sa Mateo 16:18:
"At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan" (Ibid.).
Pinatutunayan dito ni Cristo na hindi mapananaigan ng kamatayan ang Iglesiang itinayo Niya. Kung hindi mahalaga at hindi kailangan ang pag-anib sa Iglesia, gaya ng sinasabi ng ibang nangangaral, bakit pa itinayo ni Cristo ang Iglesia? Wala bang halaga ang itinayo Niya? Bakit sinabi pa Niyang Siya ang may-ari ng Iglesia kung wala naman pala itong halaga? Gusto ba Niyang maugnay sa Kaniya ang walang halaga? Hindi ba mahalaga na ang tao'y makatiyak na siya'y kabilang sa hindi mapananaigan ng kapangyarihan ng kamatayan?
Hindi pananaigan ng kamatayan ang Iglesiang itinayo ni Cristo sapagkat abutan man ng kamatayan ang mga kaanib nito, gayunman ay mabubuhay silang mag-uli. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:
"Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailanman" (II Tes. 4:16-17).
Ang mga nangamatay kay Cristo o ang mga kaanib sa Iglesiang itinayo Niya at tinawag Niyang "aking Iglesia" ang unang mabubuhay na mag-uli. Sila ay sasalubong sa ating Panginoong Jesucristo kasama ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na daratnang buhay sa Araw ng Paghuhukom at makakasama Niya sa Bayang Banal. Sa Bayang Banal ay hindi na sila luluha, hindi na magkakaroon ng dalamhati, ng panambitan, ng hirap, at higit sa lahat ay hindi na magkakaroon ng kamatayan (Apoc. 21:4). Samakatuwid, ang nakatitiyak ngayon pa lamang na makakapiling ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo sa Bayang Banal ay ang mga kabilang sa Iglesia.
Kaya hindi ba makatuwirang pahalagahan ng lahat ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo?
Ang Diyos mismo ay nagpapahalaga sa Iglesia. Kaya nga sa Iglesia dinadala ng Panginoon ang mga maliligtas:
Kaya hindi ba makatuwirang pahalagahan ng lahat ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo?
Ang Diyos mismo ay nagpapahalaga sa Iglesia. Kaya nga sa Iglesia dinadala ng Panginoon ang mga maliligtas:
"Na nangagpupuri sa Diyos at nagsisipagtamo ng paglingap ng mga tao. At idinaragdag ng Panginoon sa Iglesia araw-araw yaong mga dapat maligtas" (Gawa 2:47, salin sa Filipino mula sa King James Version).
Sa Iglesia idinaragdag ng Panginoon ang dapat maligtas sapagkat ang Iglesia ang ililigtas. Kung walang kinalaman sa kaligtasan ang pagiging kaanib sa Iglesia, bakit kailangan pang idagdag ng Panginoon sa Iglesia ang mga ililigtas?
Napakadakila ng panukala ng Diyos para sa Iglesia. Ang Iglesia ang pinili ng Diyos na maghayag ng Kaniyang walang hanggang karunungan: "upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan doon sa kalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan" (Efe. 3:10, MB). Ang mga nagsasabing hindi kailangan at hindi mahalaga sa kaligtasan ang Iglesia, ay binabale-wala ang walang hanggang karunungan ng Diyos sapagkat ang napakahalagang gampaning magpakilala nito ay sa Iglesia iniatang.
Bukod dito, sa Iglesia inilagay ng Diyos ang mga apostol, mga propeta, mga guro, mga tagapangasiwa at iba pa:
Bukod dito, sa Iglesia inilagay ng Diyos ang mga apostol, mga propeta, mga guro, mga tagapangasiwa at iba pa:
"Naglagay ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gagawa ng mga kababalaghan, mga magpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga magsasalita sa iba't ibang wika" (I Cor. 12:28, Ibid.).
Kung walang halaga ang Iglesia, lilitaw na wala ring halaga ang mga apostol at mga propeta at ang lahat ng mga inilagay ng Diyos doon, dahil sa Iglesia sila inilagay ng Diyos.
Kaya salungat sa kalooban ng Diyos ang itinuturo ng mga nangangaral na nagsasabing ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo ay hindi kailangan at hindi mahalaga sa ikapagtatamo ng kaligtasan.
Mula sa Pasugo: God's Message Magazine: October 2008/ Volume 60/ Number 10/ ISSN 0116-1636/pp.19-20