"Maging sa pagkabuhay na mag-uli ay malaki ang pagkakaiba ng kaanib sa Iglesia at ng hindi kaanib."
PINANINIWALAAN NG MARAMI na ang lahat ng relihiyon ay magkakapareho lamang sa harap ng Diyos. Kaya ang iba ay hindi maselan sa pagpili ng relihiyong inaaaniban. Kung alin ang babagay sa kanilang kursunada at paraan ng pamumuhay ay doon sila umaanib.
Sang-ayon kaya sa pagtuturo ng Biblia ang paniniwalang ang lahat ng relihiyon ay magkakatulad lamang sa harap ng Diyos? Ganito kaya ang itinuro ni Cristo at ng Kaniyang mga apostol? Ayon sa pagtuturo ng Biblia, ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
"Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus." (Roma 8:1)
Pansinin na hindi sinabi ni Apostol Pablo na ang lahat ng tao o kahit sino na lamang ay wala nang hatol. Ang tinitiyak ng Biblia na wala nang hatol o hindi na parurusahan ay ang mga na kay Cristo.
Mahalaga, kung gayon, na malaman ng tao kung sino ang tinutukoy ni Apostol Pablo na mga na kay Cristo at dito siya dapat mapabilang upang hindi makasama sa mga parurusahan.
ANG MGA WALA NANG HATOL
Sino ang mga taong na kay Cristo at hindi na hahatulan? Ganito ang mababasa sa Biblia:
"Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa." (Roma 12:5)
Ang mga taong kay Cristo ay itinulad sa mga sangkap na sama-sama sa iisang katawan. Ang tinutukoy na katawang kay Cristo ay ang Iglesia Niya:
"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia." (Col. 1:18)
Ang Iglesiang ito na katawan ni Cristo ang tinatawag ng Biblia na Iglesia ni Cristo (Roma 16:16). Kaya, nakatitiyak ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na maliligtas sila sa hatol o parusa.
Batay sa mga katotohanang ito, maituturing kaya na magkapareho lamang o walang pagkakaiba ang kaanib sa tunay na Iglesia at ang hindi kaanib? Hindi rin kaya hahatulan o parurusahan ang nasa labas nito? Ganito ang nakasulat sa Biblia:
"Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao." (I Cor. 5:13)
Tinitiyak ng Biblia na ang mga nasa labas ay hahatulan o parurusahan ng Diyos. Kaya isang malaking kamalian ang paniniwalang makakapareho lamang na sa Diyos ang lahat ng relihiyon at walang pagkakaiba ang kaanib at hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo.
ANG MGA TAGAPAGMANA NG PANGAKO
Pinatutunayan ng Biblia na ang mga kay Cristo ang kinikilalang binhi ni Abraham at mga tagapagmana ng pangako ng Diyos:
"At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako." (Gal. 3:29)
Pansining muli na hindi sinasabi sa Biblia na ang lahat ng tao ay mga tagapagmana ng mga pangako. Sa halip, ang mga kay Cristo ang magmamana ng mga pangako. Ano ang pangako na mamanahin ng mga kay Cristo?
"At ito ang pangakong kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan." (I Juan 2:25)
"Nguni't, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran." (II Ped. 3:13)
Pinangakuan ang mga kay Cristo ng buhay na walang hanggan. Ang mga kay Cristo rin ang maninirahan sa bagong langit at bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran. Kaya, hindi ang lupang ito na ating kasalukuyang tinatahanan ang inaasahan ng mga kay Cristo. Itinuturing nila na sa lupang ito ay manlalakbay lamang sila (Heb. 11:13) at ang tunay nilang bayan ay nasa langit (Filip. 3:20).
Tunay na mapalad ang mga kay Cristo o ang mga sangkap ng Kaniyang katawan o Iglesia.
Pareho lamang ba ang kapalaran ng kaanib at hindi kaanib sa Iglesia? Ang mga hiwalay kay Cristo o hindi sangkap ng Kaniyang katawan o hindi kaanib sa Iglesia ay magmamana rin kaya ng mga pangako ng Diyos? Ganito ang nakasulat sa Biblia:
"Hiwalay kayo noon kay Cristo at hindi kabilang sa Israel. Wala kayong bahagi sa tipan at pangako ng Dios sa kanila. Wala kayong Dios o pag-asa sa kaligtasan." (Efe 2:12, Salita ng Buhay)
Ang hiwalay kay Cristo ay hindi kabilang sa Israel kung kaya hindi ibinibilang na binhi ni Abraham. Bukod dito, ang hiwalay kay Cristo o wala sa Iglesia ni Cristo ay walang bahagi sa tipan at mga pangako. Wala silang karapatang maglingkod sa Diyos at wala silang pag-asa sa kaligtasan. Kaya hindi totoo na magkapareho lamang at walang pagkakaiba ang kaanib sa Iglesia ni Cristo at ang hindi kaanib. Malaki ang pagkakaiba ng mga taong nasa loob ng Iglesia at ng mga nasa labas.
MAGKAIBA SA PAGKABUHAY NA MULI
Sa muling pagparito ng Panginoong Jesucristo, kapag binuhay nang muli ang mga namatay, pareho lamang ba't walang pagkakaiba ang kaanib at di kaanib ng Iglesia ni Cristo? Ang sabi sa Biblia:
"Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man." (I Tes. 4:16-17)
Ang mga namatay kay Cristo, ayon sa mga apostol, ang unang mabubuhay na muli, at ang mga daratnang buhay ay aagawing kasama nila upang sumalubong sa Panginoon at sila'y sasa Kaniya magpakailan man. Kasama ba sa unang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ang mga hindi kaanib sa Iglesia? Ganito ang nakasulat sa Biblia:
"Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli."(Apoc. 20:5)
Maging sa pagkabuhay na mag-uli ay malaki ang pagkakaiba ng kaanib sa Iglesia at ng hindi kaanib. Ang mga kay Cristo ang unang mabubuhay na mag-uli samantalang ang hindi kay Cristo ay hindi mangabubuhay hanggang sa maganap ang isang libong taon. Pareho lang kaya na magiging mapalad ang kasama sa unang pagkabuhay na muli at ang bubuhayin makalipas ang isang libong taon? Ganito ang sagot ng Biblia:
"Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon." (Apoc 20:6)
Ang mapalad ay yaong makakalakip sa unang pagkabuhay na mag-uli sapagkat wala nang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan o ang kaparusan sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14). Ito ay kaayon ng pangako ni Cristo sa Kaniyang Iglesia na ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi mananaig dito (Mateo 16:18).
Sa kabilang dako, magiging mapalad din kaya ang mga hindi kaanib sa Iglesia o ang mga bubuhayin makaraan ang isang libong taon? Ganito ang matutunghayan sa Biblia:
"At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan. At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok." (Apoc. 20:7-9)
Ang hindi kasama sa unang pagkabuhay na mag-uli, na ito nga ay ang mga hindi kaanib sa Iglesia, ay sawimpalad sapagkat nakasulat sa Biblia na bagaman sila ay bubuhayin, ang apoy ay bababa mula sa langit upang sila ay supukin.
Mga mahal naming mababasa, huwag natin itong ipagwalang-bahala. Alisin natin sa ating isipan ang maling paniniwala na ang lahat ng relihiyon ay magkakapareho lamang sa harap ngh Diyos. Pawiin natin sa ating isipan ang paniniwala na walang pagkakaiba ang nasa loob at ang nasa labas ng tunay na Iglesiang kay Cristo. Gaya ng ating tinalakay, napakalaki ng pagkakaiba ng mga kay Cristo o kaanib sa kaniyang Iglesia kaysa hindi kaanib o hindi kay Cristo. Ang maging kay Cristo ay katumbas ng pagiging ligtas sa hatol sa Araw ng Paghuhukom. Ang pagiging kay Cristo ay katumbas ng pagmamana ng mga pangako ng Diyos. Ang maging kay Cristo ay katumbas ng unang pagkabuhay na muli at paghaharing kasama ni Cristo sa Kaniyang pagparito.
Mula sa Pasugo: God's Message Magazine: July 2011/ Volume 63/ Number 7/ ISSN 0116-1636/pp. 25-27