House of Worship

House of Worship
Gusaling Sambahan ng IGLESIA NI CRISTO

Linggo, Setyembre 25, 2011

ANG MAY BAHAGI SA KALIGTASAN

Ni Alberto P. Gonzales



MARAMING TAO ANG umaasa na sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesus ay makakasama sila sa mga magmamana ng kaligtasan dahil may kinaaaniban silang relihiyon at nagsasagawa ng paglilingkod sa Diyos at kay Cristo. Ang iba ay nagsasabing sila ay sumasampalataya at ang iba nama’y nagsasabing sila’y hindi nang-aapi ng kapuwa, mapagkawanggawa at matulungin sa nangangailangan, o kaya’y nanghahawak sa mga “himala” na diumano’y kanilang nagagawa dahil sa pangalan ni Cristo.

Subalit, sinu-sino ba ang tiyak na may bahagi sa manang kaligtasan? Sinu-sino naman ang walang bahagi sa manang kaligtasan? At ano ang saligan para sa mga maliligtas at sa mga mapapahamak? Alamin natin ang mga ito sa liwanag ng mga katotohanan o salita ng Diyos na nakasulat sa mga Banal na Kasulatan.


ANG MAGMAMANA NG KAHARIAN
Ipinakilala ng Panginoong Jesus, ang Tagapagligtas, kung sinu-sino ang mga taong magmamana ng kaharian sa Kaniyang pagparito:

“Datapuwa’t pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian: At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila’y  pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing; At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa’t sa kaliwa ang mga kambing. Kung magkagayo’y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan: … Kung magkagayo’y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa Diablo at sa kaniyang mga anghel.” (Mat. 25:31-34, 41)
 Ito’y paglalarawan ni Cristo tungkol sa magaganap sa araw ng Kaniyang pagparito – ang pagbubukod-bukod sa mga tao sa dalawang uri at ang kanilang huling hantungan. Ang isang uri ay itinulad Niya sa mga tupa at sila ang mga taong magmamana ng kaharian o maliligtas. Ang isa naman ay ang itinulad sa mga kambing na pasasa apoy na walang hanggan o parurusahan.

Ang mga tupa na magmamana ng kaligtasan ay ang mga kay Cristo:

“At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.” (Gal. 3:29)
 Sa kabilang dako, pinatutunayan ng Biblia na ang mga hiwalay kay Cristo, hindi Niya tupa kaya’t tinawag na kambing, ay walang pag-asa sa manang kaligtasan:

“Hiwalay kayo noon kay Cristo at hindi kabilang sa Israel. Wala kayong bahagi sa tipang at pangako ng Dios sa kanila. Wala kayong Dios o pag-asa sa kaligtasan.” (Efe. 2:12, Salita ng Buhay)
ANG MGA KAY CRISTO NA TAGAPAGMANA
Mahalaga, kung gayon, na makilala natin kung sino ang mga kay Cristo na siyang magiging tagapagmana, at dito dapat sikapin ng lahat ng tao na mapabilang. Tiniyak ng Biblia:

“Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio.” (Efe. 3:6)
 Ayon sa mga apostol, ang mga tagapagmana ng pangako ay ang mga naging kasangkap ng katawan o ng Iglesia (Col. 1:18). Ang Iglesia na katawan at pinangunguluhan ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo:
“Mangagbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16, New Pilipino Version)
 Kaya, kapag ang tao ay wala sa loob ng Iglesia ni Cristo, nangangahulugan lamang na siya ay hiwalay kay Cristo at hindi siya makaaasa sa manang kaligtasan.

UPANG MAKABAHAGI SA MANA
May mga taong ang ipinipilit at iminamatuwid ay may bahagi pa rin sila sa manang ipinangako ng Diyos kahit pa hindi sila umanib sa Iglesia ni Cristo at mamalagi sila sa kanilang relihiyon. Ang paniniwalang ito ay salungat sa mga katotohanang nakasulat sa Biblia sapagkat ganito ang ginagawa sa mga naghahangad na makabahagi sa mana:
“Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan; Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1;12-14)
Kailangang ang tao’y mailigtas sa kapangyarihan ng kadiliman at ilipat sa kaharian ng Anak upang magtamo ng katubusan at kapatawaran sa kasalanan.

Ang kaharian ng Anak na siyang kinaroroonan ng katubusan ay ang Iglesia ni Cristo sapagkat ito ang binili o tinubos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Bilang mga tinubos ng dugo ni Cristo, ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang tiyak na magmamana ng pangakong kaligtasa. Dahil dito, marapat laman na magtaglay sila ng mga katangiang hinahanap ng Diyos – hindi mga tamad sa paglilingkod sa Kaniya, manapa sila’y dapat maging mananampalataya at matiisin:
"Na huwag kayong mga tamad, kundi mga taga tulad kayo sa mga na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagsisipagmana ng mga pangako.” (Heb. 6:12)  


Mula sa Pasugo: God's Message Magazine:  October 2008/ Volume 60/ Number 10/ ISSN 0116-1636/pp. 23-24

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento